






Tropang Texters nagsasanay sa Serbia
Journal Online
DETERMINADO ang Talk ‘N Text na mapanatili sa kanilang poder ang PBA Philippine Cup title.
Upang mabatak ang Tropang Texters sa mabigat na laban sa season-opening tournament, na magbubukas sa
susunod na buwan, ay pumunta ang koponan sa Serbia nitong nakalipas na linggo para sa ilang tune-up games at
team-building.
Sa kanilang apat na laro laban sa mga Serbian club teams, ay mayroong 1-3 rekord ang Talk ‘N Text, na
naghahangad na maging unang back-to-back All-Filipino champion sa loob ng 25 taon.
Yumuko ang Tropang Texters sa Vujic Metalac Valjevo (74-81), KK Crvena Zvezda (Red Star) (60-92), at sa OKK
Belgrade (89-102).
Ang tanging panalo ng Talk ‘N Text ay nakuha kontra sa KG Student, 87-86, kung saan nagbida si Jimmy Alapag na
may 25 puntos.
Bukod kay Alapag, kabilang sa mga Tropang Texters standouts ang nagningning sa Serbia ay sina Mac Cardona at
Ren-Ren Ritualo.
Samantala, unti-unting nasasanay si Arwind Santos sa kanyang bagong tahanan sa PBA, ang San Miguel Beer.
Magugunitang lumipat si Santos sa Beermen mula sa Burger King noong isang buwan ngunit noong isang araw
lang nagsimula siyang mag-ensayo sa bago niyang koponan.
Nagpahinga sandali si Santos matapos maglaro para sa Powerade-Team Pilipinas sa katatapos na FIBA-Asia
Championships sa Tianjin, China.
“Madali naman ang sistema sa San Miguel. Siguro ko lang, kailangan kong sanayin ang mga basic plays ni coach
Siot (Tanquincen),” wika ni Santos sa press conference ng NBA Asia Challenge kamakalawa sa Fiamma Bar sa
Makati City.
“Sa nakikita ko, kaunting diperensiya lang ang sistema ng dalawang team kasi noong nasa Burger King ako,
napapaga-litan ako ni coach Yeng (Guiao) kapag may nakita siyang pagkakamali sa iyo, ngunit iba ang approach ni
coach Siot sa akin. Kinausap niya ako at ine-expect nila (Beermen) na makatutulong ako sa rebounding at sa
depensa.”
Sa paglipat ni Santos, inaasahang magiging malakas ang tsansa ng Beermen sa PBA Philippine Cup, kung saan
makakasama niya ang mga beteranong sina Mick Pennisi, Olsen Racela, Dondon Hontiveros, Danny Ildefonso at
Dorian Peña.
Habang wala pa sa line-up ng San Miguel sina injured stars Danny Seigle at Lordy Tugade, umaasa si Tanquincen
na malaki ang maitutulong ni Santos para palakasin ang ilalim. Theodore P. Jurado